1,000 pamilya nabiyayaan ng running water
OLONGAPO CITY , Philippines — Matapos ang 30 taong pagdurusa ng mga residente dahil sa kawalan ng tubig, nabigyan ng libreng running water system ang 1,000 pamilya sa Dumlao, Skipper at Abra Street sa mga Brgy. Barretto at Kalaklan Ridge noong Sabado ng hapon.
Sa madamdaming seremonya, binuksan nina Lakas-Kampi mayoralty bet Vicente “Vic” Magsaysay at Congresswoman Mitos Magsaysay ang linya ng water system sa nabanggit na lugar kung saan kasama ang mga residente at ang buong Team Magsaysay kabilang na sina ex-Vice Mayor Rolen Paulino, Lugie Lipumano, Ghie Baloy, Carlos Morales, Dick Lindayag, Gina Phrohorrov, Igan Fonseca, Linus Bacay, Lyn Reyes, Atty, Noel Atienza at Jess Danugrao.
“Nagulat ako na may mga lugar pa sa Olongapo na walang running water system. Mahigit 30-years na silang nagtitiis na walang tubig kaya sabi ko sa kanila, I will do it, ibinilin ko sa mga engineer ko, do it in one week dahil thirty years na silang naghihintay,” pahayag ni Magsaysay.
Mula sa bukal sa bundok, nilagyan si Magsaysay ng 8.5 kilometrong polyvinyl chloride (PVC) pipes, mga water tank at water station para tumawid sa dalawang barangay patungo sa Dumlao, Skipper areas at sa Alba Street.
“Ngayon, mayroon na kayong libreng tubig. Sana ay ingatan ninyo ang project natin,” bilin ni Rep. Mitos Magsaysay.
Sinasabing dahil sa kawalan ng aksyon ng Subicwater at lokal na pamahalaan ng Olongapo City na mabigyan ng water system ay nagbabayad ang mga residente sa nabanggit na lugar ng halagang P100 kada dram ng tubig sa mga delivery truck. Alex Galang
- Latest
- Trending