Talumpati ni GMA, nilindol
TUMAUNI, Isabela , Philippines – Niyanig ng lindol ang Cagayan habang nagtatalumpati si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos dumalaw sa nasabing lalawigan kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, sandaling natigil ang pagsasalita ng Pangulo nang maramdaman ang 6.1 magnitude na lindol dakong alas-10:51 ng umaga kahapon sa loob ng awditoryum ng Florencio L. Vargas College.
Si Arroyo ay dumalaw sa Cagayan at Isabela upang personal na pasinayaan at bisitahin ang mga proyektong pang-agrikultura ng gobyerno.
Matapos ang lindol ay agad na tumulak sa Isabela ang Pangulo para pasinayaan naman ang 438 metro na Tumauini-Delfin Albano Bridge na nagkakahalaga ng P650 milyon. Tumagal ng 15 segundo ang pagyanig kung saan walang iniulat na napinsalang ari-arian. Victor Martin at Rudy Andal
- Latest
- Trending