MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng masusing case buildup ang pulisya upang kasuhan ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) rogue sa bayan ng Maluso, Basilan na kumitil sa 13 katao habang maraming iba pa ang sugatan noong Sabado.
Ang case buildup ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tugisin at arestuhin sa lalong madaling panahon ang Basilan attackers, ayon kay P/Senior Supt. Antonio Mendoza, Basilan police director.
Inihayag ni Rear Admiral Alexander Pama, hepe ng Naval Forces Western Mindanao at Task Force Trillium, patuloy ang opensiba ng tropa ng militar laban sa mga bandido na responsable sa madugong pag-atake.
Noong Sabado pasado alas-5 ng umaga ay sinalakay ng pinagsanib na elemento ng Abu Sayyaf Group at MILF rouge elements sa pamumuno nina Abu Sayyaf Commander Furuji Indama at Dick Alao ang maliit na komunidad sa nasabing lugar kung saan nasawi ang 13 sibilyan habang 10 iba pa ang nasugatan.
Ang mga bandido ay nasangkot din sa panununog ng mga bahay ng residente kung saan nagpaulan rin ng punglo ang Maluso attackers sa mga ito.
Inihayag ni Mendoza, na nangangalap sila ng karagdagang ebidensya upang masampahan ng kasong kriminal ang mga sangkot sa panibagong terorismo sa lalawigan. Joy Cantos