Barko pinagmulta ng SBMA
SUBIC BAY FREEPORT ZONE , Philippines — Pinagmulta ng Ecology Department ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ng halagang US$5,000.00 (P210,000) ang foreign vessel na MB Lightning Thunder dahil sa pagpapakalat ng maruming krudo o sludge oil sa karagatan ng Subic kahapon ng umaga.
Lumabag sa pinaiiral na regulasyon ng Ecology Department sa ilalim ng Marine Pollution Act ang aksidenteng pagkakatapon ng malaking volume ng sludge oil mula sa nabanggit na supply ship sa may ship repair facility o SRF sa bravo pier ng Subic Freeport dakong alas-9 na umaga kahapon.
Magkahalong latak, dumi ng tao at gamit na krudo ang tumapon sa palibot ng pantalan kung saan umabot ng ilang oras ang paglilinis ng SBMA.
Sa kabila nito ay pilit namang itinatago ng pamunuan ng Seaport Department ng SBMA at pinaiiral nito ang news blackout kaugnay sa nangyaring insidente. Randy V. Datu
- Latest
- Trending