MANILA, Philippines - Aabot sa 12-sibilyan ang iniulat na nasawi habang 10 iba pa ang nasugatan makaraang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng mga bandidong Abu Sayyaf Group at Moro Islamic Liberation Front rouge elements ang maliit na komunidad sa Barangay Tubigan Proper, sa bayan ng Maluso, Basilan kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Istilito Bacus, Benji Laping, Timhaar Arakani, Rodel alyas Uding Pagdalian, John Laping, Salima Salipuddin, Lorna Sahidda Salisa, Tawasil Idjiran, 50; Abigail Bucoy, 32; Arjie Bucoy, 9; Karen Bucoy, 1; at ang isang miyembro ng Cafgu na bineberipika pa ang pagkikilanlan.
Si Abigail Bucoy at anak na si Karen ay kapwa nasunog ang katawan at maging si Salima Salipuddin matapos sunugin ang kani-kanilang bahay ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Sugatan naman sina Kimberly Bucoy, 13; Talib Ibba, Sandy Taroza, Nonoy de la Cruz, Usman Assam, Joel Josefino, Maymuna Josefino, Jonathan Josefino, Jeron Josefino at si Alexander Bartolome.
Ayon kay Chief Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, ang paghahasik ng lagim ng mga bandido na pinamumunuan nina Abu Sayyaf kumander Furuji Indama, Usman Alao, isang alyas Iradi at Dick Alao ay naganap may 9-oras matapos palayain ang bihag na dalawang Tsino na sina Michael Tan at Oscar Lu sa bayan ng Sumisip, Basilan.
Napag-alamang unang sinalakay nina Commander Indama at Dick Alao ang grupo nina Cafgu Active Auxiliary (CAA) Commander Laping, alyas Leleng saka sinunog ang mga bahay nina Sandy Taroza, Ramon Castillo, Ariel Laping at Sahayag Janang.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si Dick Alao ay dating miyembro ng CAA’s na pinamumunuan ni Leleng pero itiniwalag dahil sa pakikipagsabwatan sa mga bandido sa Basilan.
Sinasabing ang anak ni Alao ay napaslang sa engkuwentro ng grupo ni Leleng noong Enero kaya rumesbak ang una kasama ang mga kasabwat na Abu Sayyaf at MILF rouge elements.
Kaugnay nito, bumuo na ng Task Force Tubigan upang siyasatin ang naganap na insidenbte kung saan ipinakalat na ang Army’s 32nd Infantry Battalion at 15th Division Recoinnassance Company katuwang ang puwersa ng pulis-Basilan.