30% bawas sa buwis ilalatag sa Gapo
OLONGAPO CITY – Inihayag ni Olongapo City Lakas-Kampi mayoralty bet Vicente “Vic” Magsaysay na pagtuunan niya ng pansin ang mga infrastructure project, libreng pagpapatitulo ng lupa at mabayaran ang bilyun-bilyong utang sa kuryente ng lungsod, kasabay nito ay babawasan niya ng 30% ang binabayarang buwis ng mga kababayan sakaling siya ang palaring manalo bilang alkalde ng lungsod. Itutulak din ni Magsaysay ang entrepreneurship kung saan ay kukuha ng pondo sa mga ibinabayad sa buwis ng mamamayan.
Ang pahayag ni Magsaysay sinaksihan ng libu-libong residente at miyembro ng Columban College Faculty Association (CCFA) at youth leaders noong Lunes ng umaga sa Olongapo City. Wala ring palakasan sa kanyang planong pagbibigay ng libreng pagpapatitulo sa mga residente para magamit na puhunan sa negosyo. Kasabay nito, tatanggalin din ni Magsaysay ang garbage fee para makatipid ang mga residente at negosyante ng P55 hanggang P300 kada buwan.
“Babaguhin natin ang dating patakaran na kapag hindi nagbayad ng garbage fee ay puputulan ng kuryente, dapat ay libre ang garbage collection, saka naniningil na nga sila, malaki pa ang utang sa kuryente,” ani Magsaysay.
Sa tala ng National Power Corporation, aabot sa P2.5 bilyon ang utang ng nasabing lungsod. Alex Galang
- Latest
- Trending