CAMP VICENTE LIM, Laguna — Nagwakas ang mahabang panahong pagtatago sa batas ng isa sa tatlong pangunahing suspek na bumaril at nakapatay sa alkalde ng Sta. Rosa, Laguna noong 2005 makaraang maaresto ng pulisya sa kanyang pinagkukutaan sa bayan ng Lucban, Quezon kamakalawa.
Sumasailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Daniel Yason ng Purok 3, Barangay Aplaya, Sta. Rosa City.
Ayon kay P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, si Yason na itinuturong suspek sa pagpatay kay Sta. Rosa Mayor Leon Arcillas ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Teodoro Solis ng Biñan Regional Trial Court Branch 25 matapos salakayin ang kanyang inuupahanang apartment sa Greenville Subd. sa Barangay Ayuti sa Lucban, Quezon.
Sa tala ng pulisya, lumilitaw na noong May 2005, si Mayor Arcillas, kasama rin ang security aide nitong si PO2 Erwin Rivera, ay pinagbabaril ng tatlong gunmen habang nagsasagawa ng mass wedding sa loob ng Sta. Rosa City Hall.
Si Yason, na nagtatrabaho bilang staff volunteer organizer ng isang board member sa 1st District ng Quezon, ay nahaharap sa kasong direct assault with murder. Arnell Ozaeta