KIDAPAWAN CITY , Philippines — Napaslang ang campaign coordinator ng isang kandidato makaraang barilin ng isa sa mga armadong kalalakihan na nangholdap sa kahera ng kooperatiba kahapon sa Barangay Magkaalam sa bayan ng Magpet, North Cotabato.
Napuruhan sa ulo ng bala ng baril si George Cale na napagkamalang security escort ng Pangao-an Cooperative
Ayon kay P/Insp. Luis Pederio, hepe ng Magpet PNP, nagkataon lang na napadaan sa erya ang biktima habang nililimas ng mga suspek ang malaking halaga na bitbit ng kahera ng kooperatiba na lulan ng van.
Napag-alamang inakala ng mga holdaper na si Cale ay security escort ng nabanggit na kooperatiba kaya nila ito binaril sa ulo.
Sugatan naman sina Ando Gubat, 14, at Jimmy Tacara matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Nabatid na aabot lang sa P60,000 kabuuang sa P.1 milyong ang natangay ng mga holdaper kung saan tumakas sa direksyon ng hangganan ng mga Barangay Kinarom at Tiko.
Gayon pa naman, malaki ang paniniwala ng kampo ni Nancy Catamco, kandidato sa congressional race sa ikalawang distrito ng North Cotabato sa ilalim ng LAKAS-Kampi, na may bahid pulitika ang pagpatay sa kanyang coordinator na si Cale. Malu Manar