Truck bumaliktad: 4 pasyente todas
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Apat na pasyente ng faith healer ang iniulat na nasawi habang 20 iba pa ang sugatan matapos na bumaliktad ang truck sa kurbadang kalsada sa bayan ng Bulanao, Kalinga kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga namatay sina Maria Abenoja, Eling Fabros, Guillermo Guzman at asawang si Puring de Guzman na pawang mga residente ng Burgos, Isabela.
Umaabot naman sa 20-katao ang nasugatan sa nasabing insidente na agad na isinugod sa Kalinga, Provincial Hospital.
Sinasabing ang mga biktima ay dumayo pa sa lugar upang komunsulta at magpagamot sa kilalang faith healer sa Barangay Calanan, Tabuk, Kalinga.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na overload ang truck kaya bumaliktad sa matarik na palikong bahagi ng bulubunduking highway ng Barangay Bulalao sa bayan ng Tabuk.
Nabatid na ang truck ay pag-aari ni Councilor Alexander Agliam ng Burgos, Isabela at ipinahiram sa mga biktima na nagmula sa iba’t ibang barangay.
- Latest
- Trending