BOCAUE, Bulacan, Philippines — Isang tindero ang binaril nang malapitan at napatay ng kapwa niya tindero nang mag-agawan sila sa puwesto sa paligid ng itinatayong palengke sa MacArthur Highway, Barangay Caingin sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt.Ronald De Jesus ang biktima na si Reynaldo Rivera, 42, residente ng Barangay Antipona sa bayang ding ito.
Hindi pa matukoy habang isinusulat ito ang pangalan ng salarin.
Ayon sa imbestigasyon, nagtalo ang asawa ng biktima na si Nora Rivera, 39, at ang suspek na isa ring tindero hinggil sa paglalagay ng puwesto ng itinitindang mga iba’t ibang kalakal at upang hindi na humaba pa ang usapan ay sumabat si Reynaldo na hintayin na lamang ang kolektor ng palengke upang mapatunayan kung sino ang dapat mapunta sa pinag-aagawan nilang pwesto.
Nang usisain ng kolektor ng kani-kanilang ebidensya ay agad nagpakita ng resibo si Reynaldo habang wala namang maipakita ang suspek na nadismaya at umalis na lang.
Gayunman, pagkaraan ng ilang oras, bumalik ang suspek at binaril ang biktima habang nagtitinda ito sa naturang lugar. Boy Cruz