2 patay sa gitgitan ng sasakyan
RODRIGUEZ, Rizal, Philippines — Isang jeepney driver at isa nitong konduktor ang namatay nang pagbabarilin sila ng dalawang nakamotorsiklong lalaki na nakaalitan nila sa trapiko sa Barangay San Jose ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Hindi na naisugod sa pagamutan ang mga biktimang sina Jesus Diena, 48, binata, ng Block 19, Lot 43, NTA, Rodriguez; at konduktor na si Glady Prendy Arsenio, 27, binata. Nagtamo ang mga ito ng iba’t ibang tama ng bala sa katawan.
Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang pasaherong si Melita Gonzales, 54, makaraang tamaan ng ligaw na bala sa paa.
Sa ulat ng Rodriguez police, naganap ang krimen dakong alas-8:00 ng gabi sa may Amity Ville, Barangay San Jose.
Nauna rito, nagtalo ang magkabilang panig nang magkasagian ang jeepney ng mga biktima at ang motorsiklo ng mga suspek.
Nagbunot ng baril ang mga suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang dalawang biktima bago tumakas lulan ng kanilang motorsiklo sa hindi mabatid na direksyon. Danilo Garcia
- Latest
- Trending