BATANGAS, Philippines — Nadiskubre ng mga opisyal ng Maritime Industry Administration (MARINA) na ang mga papeles sa pagsasaayos ng barge sa bayan ng Bauan, Batangas na kumitil ng tatlong trabahador noong Martes ng gabi ay pawang mga peke.
Ayon kay Arnie Santiago, enforcement officer ng Marina, mananagot ang contractor ng barko sa pagkamatay ng 3 trabahador dahil walang permiso mula sa Marina.
Ipinaliwanag ni Santiago na obligadong magsumite ng kaukulang papeles sa Philippine Coast Guard ang sinumang magpapasok ng barko sa bansa para ipaayos bilang requirement. Napag-alamang nakapangalan ang barko sa isang Gerry Topangil ng Barangay Cembo, Makati City.
Sa panayam naman kay Lt. Col. Troy Cornelio, ng Batangas Coast Guard, magpa-file sila ng Marine protest laban sa may-ari ng barko para pagpaliwanagin at papanagutin sa naganap na trahedya.
Base sa ulat, namatay sina Jhunel Almogera, 40; Charmeil Allego, 23; at isang alyas Waray, 45 habang nagtatrabaho sa loob ng barge na nakahimpil sa Frabelle Compound sa Barangay Sta. Maria, Bauan, Batangas habang ginagamot naman sa Bauan Doctor’s Hospital sina Gilberto Liverca, 29; Jayson Rodolfo, 28; at si Roger Dela Peña, 60. Arnell Ozaeta