3 trabahador dedo sa kemikal
BATANGAS, Philippines — Kamatayan ang naging kabayaran sa tatlong trabahador na sinasabing naglilinis sa loob ng lumang barko makaraang makalanghap ng kemikal noong Martes ng gabi sa bayan ng Bauan, Batangas.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Jhunel Almogera, 40, reservist ng Phil. Army; Charmeil Allego, 23, ng Barangay San Juan, Mabini, Batangas; at isang nakilala lamang na Waray, 45.
Ginagamot naman sa Bauan Doctor’s Hospital ang iba pang trabahador na sina Gilberto Liverca, 29; Jayson Rodolfo, 28; at Roger Dela Pena, 60.
Ayon kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, lumilitaw na kinontrata ng may-ari ng barge na si Nilo Bantugon ang mga biktima para maglinis at kumpunihin ang lumang barkong may markang Topangil na nakahimpil sa Barangay Sta. Maria wharf nang makalanghap ng kemikal fumes mula sa basement ng barko bandang alas-4:30 ng hapon.
Nagtulung-tulong naman ang kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan tauhan para sa paglilikas ng 2000 residente mula sa mga Barangay Sta. Maria, San Pedro, San Miguel at Barangay Bagilawa.
Pansamantalang inilagak ang mga evacuees sa Bauan Technical High School sa Poblacion para sumailalim sa medical check-up.
Sa imbestigasyon ng BFP at PCG nakakita sila ng mga lata sa loob ng barge na may lamang curing agent na sinasabing kemikal na inihahalo sa pintura ng barko.
“Posibleng namatay ang mga biktima sa barge kasi naubusan na ng oxygen sa loob at tanging mga fumes ng chemical ang kanilang nalanghap,” pahayag ni Dr. Ernesto Reyes, health emergency management staff coordinator ng DOH Region 4A.
- Latest
- Trending