Konsehal ng Batangas nilikida

BATANGAS , Philippines  – Sementeryo ang binagsakan ng isang municipal councilor matapos pagbabarilin ng mga ‘di- pa nakikilalang kalalakihan sa loob mismo ng sabungan sa bayan ng Calaca, Batangas kahapon ng hapon.

Napuruhan sa ulo ng mga bala ng baril si Melecio Aliling Vidal, ng Lemery, Batangas.

Ayon sa report ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, nasa loob ng Calaca Cockpit Arena sa Barangay Tamayo si konsehal Vidal nang lapitan at pagbabarilin bandang alas-3:30 ng hapon.

Isinugod pa sa Our Lady of Caysasay Medical Center sa bayan ng Lemery ang biktima pero idineklara na itong patay pagdating sa emergency room dahil sa mga tinamong mga tama ng bala sa katawan. 

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na pamamaslang. Arnell Ozaeta

Show comments