BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Aabot sa Labintatlo-katao ang iniulat na nasawi habang labinlimang iba pa ang sugatan makaraang salpukin ng trailer truck ang pampasaherong jeepney sa kahabaan ng national highway sa Barangay Villarey sa bayan ng Piat, Cagayan kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Roselle Valiente, 19, ng Saint Louis University, Tuguegarao City; Eduardo Oarle, 18, 2nd year college at Fatima Daliuag, 19, 4th year college na kapwa kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management sa Central Colleges Tuguegarao; Jinky Ramos, 21, 4th year BSCE (SLU); Lindsay Ramirez, 21, 4th year Nursing student; Roda Mae Daloza, 18, Commerce student ng Cagayan State University.
Ang iba pa sa mga namatay ay sina Pepe Artida, 55; Randy Dumas, 33; at Rogelio Ibarra, 59, ng Department of Public Works and Highways; Faustino Arquero, isang ministro ng Ig lesia ni Cristo at asawang si Salvacion Arquero, kapwa residente ng Burgos, Ilocos Sur at nadestino sa INC ng Santo Niño, Cagayan.
Samantala, namatay naman ospital si Princess Belen ng Centro, Santo Niño habang ang 14 iba pa ay ino-obserbahan sa ospital.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Rotillo De Laza, hepe ng Piat PNP, lumilitaw na sumabog ang gulong ng trailer truck na minamaneho ni Joey Salvador ng Ipil, Echague, Isabela kaya nawalan ito ng control sa manibela at sumalpok sa kasalubong na jeepney na minamaneho naman ni Noli Nogeras.
Karamihan sa mga biktima na sakay ng jeepney ay mga estudyante na patungo sana sa Tuguegarao City-Cagayan nang masalpok ng trailer truck na patungo rin sana sa bayan ng Piat, Ca gayan upang magkarga ng asukal sa Cagayan Robina Sugar Milling Corp. sa nasabing bayan.