RIZAL, Philippines – Nanawagan kahapon sa pamunuan ng PNP ang biyuda ng pinaslang na dating pulis na ibunyag na ang tunay na utak ng krimen na naganap sa palengke ng Montalban, Rizal noong Disyembre 13, 2009.
Si P/Insp. Ricardo Amata na kumakain sa karinderya sa Montalban Public Market ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ni Bong Meldo kung saan napaslang naman ng rumespondeng si SPO1 Danilo Zuniga.
Gayon pa man, napatay din si SPO1 Zuniga ng mga kasamahan ni Meldo.
Ayon kay Ligaya Amata, hindi siya naniniwala na ang mga suspek ay kumilos sa sariling kapakanan bagkus may maimpluwesyang pulitiko ang nasa likod ng pagpaslang sa kanyang mister.
“Naniniwala akong pinatay ang aking mister para takutin ang mga kalaban sa pulitika, kung sinuman ang mastermind,” dagdag ni Ligaya.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing bodyguard ni suspendidong Mayor Pedro Cuerpo si Meldo habang ang pinaslang na si P/Insp. Amata ay close-in security aide naman ni acting Mayor Jonas Cruz.
Ayon kay Ligaya, ang kanyang mister ay nanguna para pigilin ang grupo ni Cuerpo sa pagpasok sa munisipyo ng Montalban habang suspendido pa ng Ombudsman at Sandiganbayan dahil sa mga reklamo laban sa kanya. Danilo Garcia