MANILA, Philippines - Isang mayoralty bet sa bayan ng San Pascual, Masbate ang pinadidiskuwalipika matapos na makumpiskahan ng baril kasama ang kanyang alalay noong Enero 10 kaugnay sa pinaiiral na Comelec gun ban.
Sa liham na ipinadala ng pulisya kay Zacarias Zaragoza Jr. regional director ng Commission on Elections, pinasisibak ang kasalukuyang jail warden ng provincial jail na si Ricardo Bulanon na kandidato sa mayoralty race dahil sa paglabag nito RA 8294 ( Illegal Possession) kaugnay ng pinaiiral na Comelec gun ban. Si Bulanon at bodyguard nitong si Jose Nestor Lazaro ay inaresto ng pulisya sa unang araw ng implementasyon ng gun ban sa Comelec checkpoint sa Brgy Tugbo, Masbate City.
Nasamsam kina Bulanon at Lazaro ang cal. 45 at 9mm na expired ang mission order at walang maipakitang kaukulang exemption permit mula sa Comelec.
Pansamantalang nakakalaya si Bulanon ma tapos makapagpiyansa sa korte.
Sa rekord ng pulisya, si Bulanon ay isinailalim sa imbestigasyon noong Hunyo 2009 dahil sa kabiguan nitong i-report ang pagpuga ng 2 preso kung saan isa rito ay nakilalang Albert Choy na napatay sa shootout sa Parañaque Ciy noong Enero 11, 2009.
Sa tala, si Choy ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Masbate Mayor Moises Espinosa noong Aug. 10, 2001. Joy Cantos