Amo kinatay, minartilyo ng 2 tauhan
PANGASINAN, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng may-ari ng videoke bar makaraang pagtulungang saksakin at martilyuhin ng dalawa nitong tauhan noong Biyernes sa Barangay Liwa-Liwa sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.
Halos magkabutas-butas ang katawan at basag pa ang bao ng ulo nang matagpuan sa loob ng kanyang kuwarto si Ramil Coronado ng Barangay Concordia at may-ari ng City Classic Videoke Bar.
Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto naman ang mga suspek na sina Darwin Aranzazo, 26, ng Caloocan City at ang 17-anyos na binatilyo na nakatira sa Tondo, Maynila.
Ang dalawa na sinasabing sumakay ng pampasaherong bus patungong Maynila ay nasabat sa checkpoint sa bayan ng Camiling, Tarlac.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na bago naganap ang krimen, nakipag-inuman pa sa mga kapwa nito may-ari ng videoke bar ang biktima bago naunang umuwi.
Si Coronado ay natagpuang patay ng kanyang tatlong guest relations officers (GROs) sa loob ng kanyang kuwarto sa videoke bar.
Narekober sa mga suspek ang dalawang cell phone, relos, kuwintas, singsing, pitaka, pabango na pag-aari ng biktima at mga kendi.
Narekober din ang motorsiklo ng biktima na ginamit ng mga suspek sa Barangay Luna.
Nakuha rin sa mga suspek ang martilyo, kutsilyo at itak na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
- Latest
- Trending