P2.5 milyon tinangay ng bank teller
LEGAZPI CITY , Philippines — Isang teller ng Philippine National Bank ang kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa pagtangay umano nito ng P2.5 milyong cash na dadalhin sana sa AFPSLAI sa loob ng Kampo Simeon Ola.
Ang suspek na pinaghahahanap ay si Jaime Baldon, 65, may asawa, teller ng PNB-Legazpi Branch sa Barangay Baybay.
Sinasabing bigla na lamang naglaho ang suspek dakong alas-10:00 ng umaga matapos na ipagkatiwala dito ang cash na for delivery sa branch nito at nagkakahalaga ng P2.4 milyon at sa AFPSLAI na nagkakahalaga naman ng P2.5 milyon. Gayunman, hindi nadala ng suspek ang pera para sa sangay ng banko sa Albay.
Ayon sa inisyal na impormasyon, ang suspek ay sakay sa armored vehicle na may plate no. XTB-874 na minamaneho ng guwardiyang si Edgar Marbella at escort na sina Dennis Perez at Romero Puyat.
Nang makarating ang armored van sa Rizal St. extension ay inutusan nito ang driver na itigil sa tabi ang sasakyan at kanyang ihahatid ang kanyang mga labahan na baro sa kanyang labandera sa Barangay Pigcale. Pero hindi na ito bumalik at nagpakita mula noon. Ed Casulla
- Latest
- Trending