BATANGAS, Philippines – Kahihiyan ang isa sa motibo kaya tinadtad ng saksak ng patalim ang isang 46-anyos na ina ng sariling anak na tinedyer sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sta. Clara, Sto. Tomas, Batangas kamakalawa ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Raul Tacaca, hepe ng pulisya sa bayan ng Sto. Tomas, ang napaslang na si Susana Maligalig, tubong Mabitac, Laguna.
Nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa pangalang Lino, 17, 2nd year student sa Sta. Clara National High School na nagtamo rin ng sugat sa kamay mula sa kutsilyong ginamit sa krimen.
Ayon sa police report, magkasamang natutulog ang mag-ina sa kwarto nang maalimpungatan at pagsasaksakin ng anak ang kanyang ina na nagsisigaw at humihingi ng tulong bandang alas-3 ng madaling-araw.
Mabilis namang gini-sing ng kasambahay na si Arwin Ariola ang asawa ni Susana na si Flaviano na natutulog sa kabilang silid para buksan ang pinto ng kwarto ng mag-ina.
Inabutan nina Arwin at Flaviano ang tinedyer na nakatayo pa sa gilid ng kama ng ina habang ha-wak ang ginamit na patalim.
May teorya si Supt. Tacaca, na dinamdam ng anak ang ginawang pamamalo ng ina sa harap mismo ng school principal.
“Hindi daw nagpapapasok sa school ang tinedyer kaya pinatawag ng principal ang ina at doon siya napalo sa harap mismo ng principal,” dagdag pa ni Tacaca.
Inamin naman ng suspek ang krimen at nagdilim lang daw ang paningin nito kaya nasaksak ang ina.