Lolo namatay sa hika, nabuhay
LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Nagimbal ang mga residente ng Barangay 10 sa Lucena City kamakalawa matapos magbalik sa daigdig ng mga buhay ang isang 60-anyos na matandang binata na namatay dahil sa sakit na hika.
Sa salaysay ni Angelina Santos, pumanaw ang kanilang kapatid na si Rolando Luneta sa Quezon Medical Center, kamakalawa dahil sa komplikasyon sa hika.
Makaraan ang ilang minuto ay may dumating na pari at binindisyunan na ang mga labi ni Mang Lando kung saan kaagad na nagtungo sa punerarya si Angelina at ang pamangkin na si Lorena Ravano upang isaayos ang gagawing burol sa matanda.
Gayon pa man nang bumalik ang magtiyahin sa nabanggit na ospital ay nagulat sila nang makitang buhay si Mang Lando at pinagkakaguluhan ng mga doctor at nurse.
Sa salaysay ni Mang Lando, siya raw ay napapalibutan ng kadiliman, naglalakad at naghahanap ng liwanag pero wala siyang makita.
Nang makakita ng liwanag ay tinunton niya ito at hinarang siya ng isang lalaking nakasuot ng puting-puting damit at sinabihan magbalik ka sa lupa.
Sa ngayon ay nasa kanilang tahanan si Mang Lando at patuloy na dinadagsa ng mga kapitbahay na labis na nagtataka sa kanyang pagkamatay at pagkabuhay. Tony Sandoval
- Latest
- Trending