LEGAZPI CITY, Philippines – Nagmistulang kumadrona ang dalawang pulis na umalalay sa panganganak ng isang misis sa loob ng kanilang patrol car kahapon ng umaga sa kahabaan ng highway ng bayan ng Malilipot, Albay.
Matagumpay naman naisilang ni Salvacion Toledo ng Brgy. Cabasan sa bayan ng Bacacay, Albay ang sanggol na si Rose Antonnette na sinasabing hango sa mga pangalan nina PO3 Rosalio Milallos at PO3 Antonio Beltran na tumulong sa panganganak.
Base sa impormasyon na habang nagbabantay sa checkpoint sina PO3 Milallos Jr. at PO3 Beltran nang tumigil sa kanilang harapan ang pampasaherong jeepney.
Humingi ng tulong ang drayber sa mga pulis na maihatid sa hospital ang misis na buntis na tinatayang manganganak na ng mga oras na iyon.
Kaagad naman isinakay ang misis sa patrol car nina Milallos at Beltran para ihatid sa ospital, subalit hindi na makaabot at lumabas na ang sanggol sa tulong ng dalawang pulis. Ed Casulla