5 bata dedo sa kuryente
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa limang batang lalaki matapos na makuryente habang naglalaro sa kalsada sa Barangay Mojon sa bayan ng Pila, Laguna kahapon.
Kinilala ni P/Senior Inspector Anthony Gatang, hepe ng pulisya sa bayan ng Pila ang mga nasawi na sina Samuel Latigo, 4; Angel Joy Lavares, 4; John Carlo Serdan, 7, mga nakatira sa Barangay Mojon at ang mag utol na sina John Lorenz Alberto, 6; at John Alvin Alberto, 7, kapwa residente ng Barangay Bulilan Sur.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na magkakasamang naglalaro ang mga bata sa gilid ng kalsada sa nabanggit na barangay nang aksidenteng maapakan ang nakalaylay na talop na linya ng kuryente bandang alas-5 ng hapon.
Namataan ng ilang residente ang mga batang nagkikisay kaya kaagad nilang sinaklolohan at naisugod sa ospital.
Gayon pa man, tatlong bata ang dead-on-the-spot samantalang namatay naman ang dalawa habang ginagamot sa Sta. Cruz Provincial Hospital.
Inaalam ng pulisya ang responsable sa linya ng kuryente na napabayaang nakalaylay.
- Latest
- Trending