TANAUAN CITY, Batangas, Philippines - Patuloy na naman ang pamamayagpag ng jueteng sa lalawigan ng Batangas matapos makaaresto ng ilang kubrador sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya noong Huwebes ng umaga.
Pormal naman kinasuhan ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang mga suspek na kubrador na sina Mercelita Perez,18, ng Barangay Poblacion 7; Arcangel Torres, 46, ng TM Kalaw St. Poblacion 5; at Nazario Perez, 55, ng Barangay Sambat, Tanauan City.
Narekober ng mga tauhan ng Anti-Illegal Gambling Task Force sa pangunguna ni P/Supt. Nilo Maitim, ng 21-pirasong STL lastillas, 3 booklets ng STL collection form, P589.00 cash collection at ilang jueteng paraphernalias.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkikilanlan sa jueteng operator sa Batangas subalit may kumakalat na balita na isang nagngangalang Prez Salud ang sinasabing may operator at financier ng jueteng sa buong Batangas.
Iginiit naman ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na hindi nito papayagan ang pag-ooperate ng jueteng at inutusan ang kapulisan na dakpin ang mga lalabag lalo na ang mga guerilla operation. Arnell Ozaeta