Utol ni Mangudadatu inaresto
MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code si Assemblyman Khadafeh Mangudadatu matapos itong makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng malalakas na kalibre ng baril sa inilatag na checkpoint sa Barangay Cogon, Digos City, Davao del Sur noong Biyernes ng umaga.
Si Khadafeh ay utol ni Buluan Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na kandidato sa gubernatorial race sa Maguindanao.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Ronald de la Rosa na nakarating sa camp Crame, lumilitaw na pinatitigil sa checkpoint ng grupo ni P/Inspector Wilfredo Curaming ang convoy ni Assemblyman Khadafeh.
Subalit hindi huminto sa checkpoint sa bayan ng Matanao kaya nag-flash alarm ang pulisya kung saan umalerto naman ang isa pang checkpoint sa Digos City at binantayan ang paparating na convoy ni Khadafeh.
Nasamsam sa itim na Chevrolet Suburvan (YFM111) at itim na Toyota (LFY 709) ng assemblyman ay isang M16 Armalite rifles, cal 9mm pistol, cal. 45 pistol at iba pang baril.
Nasa loob ng convoy ang anim na nakaunipormeng security escort ng opisyal kung saan sinabi ni de la Rosa na sa isinagawang beripikasyon ay dalawa lamang sa mga ito ang naisyuhan ng permit ni Atty. Ray Sumalipao Red ng Comelec ARMM.
Nahaharap naman sa kasong kriminal ang apat na walang maipakitang security detail permit na sina PO3 Anuar Mangelen Musali na nakunan ng isang M16 rifle; P01 Joehali Panigas (M16 rifle); Cpl Bernardo Patricio ng Army’s 46th Infantry Battalion (M16 rifle) at kasamahan nitong si Pfc Renante Alcalde. Joy Cantos
- Latest
- Trending