MANILA, Philippines - Halos makipagpalit ng mukha ang isang volunteer ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro nang pagtulungang bugbugin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan habang binabantayan ang billboard ng una sa Olongapo City.
Sa sumbong sa pulisya ng biktimang si Rodemel Bautista, 27, bigla na lang huminto sa harapan niya ang pitong kalalakihang sakay ng isang itim na Toyota Pajero noong Miyerkules ng hapon at ng bumaba ang mga ito ay bigla na lang siyang ginulpi kung saan nagtamo ito ng sugat sa mukha, ulo at iba pang parte ng katawan.
Posible umanong mga supporters ng kalabang partido ang bumugbog sa biktima dahil kabilang sa binabantayan nitong billboard ang ilang local officials na kinabibilangan ni Olongapo mayoralty bet Vicente Magsaysay, at iba pang mga kandidato ng administrasyon. Agad naman kinondena ng partido ni Teodoro ang nasabing insidente. Joy Cantos