3 kawatan ng credit card timbog
Meycauayan City, Bulacan, Philippines — Arestado ang tatlong kawatan ng credit card na sina Allen Lacorte 51, residente ng Paco, Manila Jerome Antonio, 26, binata, roomboy, residente ng Bagong Silang, Caloocan City; at Roger James Lontoc, 27, binata at residente ng Amoranto St., Banawe, Quezon City.
Ipinahuli sila ng Suy Sing Commercial Corporation.
Unang nagtungo ang mga suspek sa grocery ng nasabing kompanya at namili ng mga items na nagkakahalaga ng P2 milyon kung saan ang credit card na pag-aari ng isang Edna Pasion ang gagamiting pambayad ng mga ito.
Pero nagduda naman ang nangangasiwa ng nasabing grocery kaya agad na tumawag ang mga ito sa bangko at dito nadiskubre na nawawala ang credit card at si Pasion ay nasa labas ng bansa.
Inaresto ng pulisya ang mga suspek habang iniaabot nito sa kahera ang naturang credit card. Nakuha din mula sa mga ito ang iba’t ibang pekeng dokumento na nakapangalan sa kanila habang nakatakdang sampahan ng kasong kriminal. Boy Cruz
- Latest
- Trending