BOTOLAN, Zambales, Philippines – Tensyon at pagkabahala ang bumalot sa masayang pagdiriwang ng kapistahan sa Sitio Payapa makaraang mapagtripang pagtulungang saksakin ang tatlong kalalakihan ng magkapatid na lalaki na sinasabing sinapian ng masamang espiritu sa bayan ng Botolan, Zambales noong Linggo.
Pawang idineklarang patay sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa bayan ng Iba, Zambales sina Jess de San Juan, Exequel Dumolot at si Rusty Castillo na residente ng Barangay Rosaban, Loob-Bunga,sa bayan ng Botolan.
Naaresto naman at pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Michael Redor at Eduardo Redor, Jr.
Base sa police report, ang tatlo ay bumisita sa kaibigang si Ernesto Castillo dahil sa kapistahan ng nabanggit na lugar kung saan nagkaroon ng masayang inuman.
Makaraan ang ilang oras na inuman ng mga biktima kasama ang ilang bisita ni Castillo ay sinasabing nanlisik ang mga mata ng mag-utol na Redor at pinagtulungang saksakin ang mga biktima na lango na sa alak.
Nagawa pang makalabas ng bahay ang dalawang biktima na duguan subalit sinundan pa ito ng mga suspek at pinagtataga.