Parak, nanutok ng baril, tiklo
MANILA, Philippines - Arestado ang isang bagitong pulis matapos itong ireklamo ng panunutok ng baril sa isang sibilyan sa Barangay Libertad, Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal si PO1 Antonio Cabacungan Jr., 36-anyos, may-asawa, nakatalaga sa San Luis Municipal Police Station at residente ng Phase 2, Village 2, Libertad.
Sa ulat ng Police Regional Office 13, naganap ang insidente sa lugar ng suspek matapos itong magtungo sa tahanan ng kanilang kapitbahay dakong alas-2:15 ng hapon.
Sumugod umano ang galit na parak sa bahay ni Rodrigo Busa at tinutukan ito ng kaniyang Norinco cal. 45 pistol.
Nang mabatid ang insidente ay nagresponde ang mga elemento ng Butuan City Police sa Phase 2, Village 2 ng bayang ito at nasakote ang nasabing bagitong pulis.
Nasamsam mula rito ang naturang armas na may isang magazine na naglalaman ng 8 bala. Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito. Joy Cantos
- Latest
- Trending