BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Limang katao na kinabibilangan ng isang Belgian national at isang abogado ang matagumpay na nailigtas ng mga militar matapos silang makulong sa loob ng pitong araw sa kagubatan ng Sierra Madre mountain, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa ulat ng Northern Luzon Command, nakilala ang mga nailigtas na environmentalists mula sa Cabiao Kid Foundation na sina Bert Peeters, isang Belgian at leader ng grupo; Atty. Gari Bernal; Angelito Agustin; Luzviminda Lopez; at Narciso Gumangan.
Sinabi ng militar na ang mga trekkers ay maayos na nailigtas maliban kay Peeters na may pasa at lagnat.
Ang grupo ay umalis sa Ilagan, Isabela noong Enero 13 upang tahakin ang bundok ng Sierra Madre patungo sana sa bayan ng Divilacan kung saan makikita naman ang Pacific Ocean nang makulong sila sa kagubatan dahil sa patuloy na pag-ulan at pagtaas ng ilog na kanilang dadaanan. Victor Martin