Security agency sinalakay
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang naaresto kabilang ang isang tiwaling negosyante habang sari-saring mga armas naman ang nasamsam ng mga awtoridad matapos na salakayin ang isang security agency kahapon ng umaga sa GSIS Village, Davao City.
Batay sa report ni Chief Supt. Pedro Tango, director ng Police Regional Office 11, dakong alas-5:30 ng umaga nang salakayin ng Special Task Group kontra Private Armed Groups sa pamumuno ni Supt. Vicente Danao ang Banderas Security Agency sa #10 Eagle St., GSIS Village.
Arestado sa operasyon si Musolini Lidasan, may-ari ng ahensya.
Dinakip rin ng mga awtoridad si Sgt. Alberto Antisoda Duhig ng 67th Infantry Battalion ng Philippine Army na nasamsaman naman ng inisyu ritong M16 rifle.
Nabigo siyang magpakita ng permit galing sa Commission on Elections para magbitbit ng armas.
Sinabi ni Tango na napaso na o expired noon pang Agosto 2008 ang lisensya ng ahensya.
Nasamsam sa raid ang walang lisensyang 19 na shotguns, 24 cal.38 revolvers, isang cal.45 pistol, dalawang M16 rifles, isang cal.45 at isang cal 9mm. Joy Cantos
- Latest
- Trending