Mister ipinapatay ni misis sa amiga
SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines – Isang negosyante ang ipinapatay umano ng sarili niyang asawa sa isa nitong kaibigang babae sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sta. Cruz 5 sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala sa ulat ni P/Supt.Edwin Quilates kay OIC Bulacan Provincial Director P/Supt. Edgardo Tinio ang biktima na si Alberto Aguillon, 56-anyos.
Tinutugis ng pulisya habang isinusulat ito ang misis ni Aguillon na si Rosemarie Reyes-Aguillon, 52 anyos, at amiga nitong si Evelyn Lino ng Bulacan St., Brgy. Payatas, Quezon City.
Nauna rito, masaya pang nag-iinuman sina Aguillon at Lino sa balkonahe ng naturang bahay habang nasa banyo si Rosemarie nang makarinig ito ng putok ng baril.
Nang sumugod si Rosemarie sa balkonahe ay nakita na niyang nakabulagta at may dalawang tama ng baril sa ulo ang kanyang mister.
Sa una ay nahirapan ang mga imbestigador sa pag-analisa sa kaso dahil magkaiba ang salaysay ng dalawang babae sa mga pulisya.
Dahil dito, naghinala ang mga imbestigador na isa sa dalawang babae ang nakapatay sa biktima at nadagdagan pa ito ng report ng SOCO na malapitan nang barilin ang biktima at narekober din ang baril na ginamit.
Lumutang naman sa pulisya kinalaunan ang isang 16-anyos na babae na nagtapat na narinig niya ang pinag-usapan ng dalawang babae na may ibang kalaguyo ang biktima.
Nagplano umano ang dalawa ng gagawin laban sa biktima.
- Latest
- Trending