3 magkakapatid minasaker
MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid ang pinalakol, pinagsasaksak at napatay ng nabasted na manliligaw ng isa sa mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Candaba, Pampanga kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Sorato Labsan, 28; kapatid nitong sina Ariel 19; at ang dalagitang si Jaramie, 14, na pawang mga residente ng Sitio Nawasa, Barangay Lambak Pasig sa Candaba.
Sugatan namang isinugod sa Jose B. Lingad Regional Hospital ang isang pinsan ng mga biktima na si Jaide, 13, at kapatid pang si Jaime, 14, makaraang palakulin sila sa ulo ng suspek.
Kinilala lang sa alyas na Rodel ang suspek na caretaker ng isang fishpond sa naturang lugar at umano’y manliligaw ni Jaramie.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na bigla na lamang sinugod ng suspek na nanlilisik ang mata at may dalang palakol at 12 inches na patalim ang tahanan ng mga biktima.
Pinagpapalakol niya sa bahagi ng kanilang mga ulo ang mga biktima at pinagsasaksak pa ang mga ito.
Nauna rito, pinainom pa ng suspek ang dalawang anak na lalaki ni Jaime Labsan Sr., 60-anyos.
Kinandaduhan pa ng suspek sa loob ng kanilang tindahan ang natutulog na matanda kaya kahit na nagising sa kalabugan at sigaw ng mga biktimang humihingi ng saklolo ay wala itong nagawa.
Sa pahayag ng matanda sa mga awtoridad, nanliligaw ang suspek kay Jaramie na bunso niyang anak. May teorya naman ang mga awtoridad na binasted ng dalagita ang suspek kaya ito naghiganti.
Nabatid na may mga indikasyon ring ginahasa ang dalagita bagaman susuriin pa ang kanyang bangkay.
- Latest
- Trending