Flashflood: 5 katao patay
MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang tatlong batang babae ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na pananalasa ng flashflood sa lalawigan ng Agusan del Sur at Oriental Mindoro, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng cable television, nasawi sa pagragasa ng baha ang isang 13-anyos na si Kenneth Patricio pero patuloy pa itong kinukumpirma ng mga disaster official ng pamahalaan sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Namatay naman sa atake sa puso ang isang 65-anyos na si Rosita Lenon sa Brgy. Poblacion mula rin sa bayan ng Naujan.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD), nalunod naman makaraang tumaob ang balsa na sinasakyan ng tatlong batang babae na nagkakaedad 9 hanggang 11- anyos nang abutin nang rumaragasang baha sa ilog ng Gibong sa San Francisco, Agusan del Sur kamakalawa.
Inaalam pa ang pangalan ng tatlong nasawing biktima na nakuha ang bangkay matapos lumutang sa ilog.
Samantala, umaabot naman sa 53 barangay ang lubog sa baha sa bayan ng Naujan at Oriental Mindoro.
Ang naturang flashflood ay bunga ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa naturang mga lugar.
Nabatid na bumuhos ang malalakas na ulan sa mga bayan ng sakop ng Oriental Mindoro dakong alas-4 ng hapon kamakalawa at nagulantang na lamang ang mga residente noong Lunes sa mataas na baha sa kanilang lugar.
Batay sa tala, nasa 39 barangay sa bayan ng Naujan ang lubog sa baha kaya inilikas ang may 54 pamilya sa dalawang evacuation center sa nasabing bayan.
Umaabot naman sa 14 barangay ang apektado rin ng mga pagbaha sa bayan naman ng Baco.
- Latest
- Trending