Trak tumaob: 19 dedo, 26 sugatan

MANILA, Philippines - Umabot sa labinsiyam-katao ang kumpirmadong nasawi habang 26 iba pa ang nasugatan makaraang tumaob ang truck sa ka­habaan ng provincial road ng Barangay Kapatagan sa bayan ng Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur, ka­makalawa.

Ayon kay PRO 9 director Chief Supt. Angel Sun­g­lao, dead-on-the-spot ang 13-katao samantalang idi­neklarang patay sa ospital ang apat iba pa at ang dalawang nasa kritikal na kalagayan.

Patuloy naman gina­gamot sa Margosatubig Regional Hospital ang 26 iba pang sugatang biktima.

Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, bumabagtas sa kahabaan ng provincial road ang kulay berdeng Forward Truck  (GGU 228) na pag-aari ni Dodong Pintac nang maganap ang trahedya bandang alas-9:30 ng umaga.

Ang truck na may lulang 45-pasahero ay nagmula sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga del Sur ay ilang beses pang nagpa­gulung-gulong sa highway kaya tumilapon palabas ng sasakyan ang mga pasa­hero kung saan patay agad ang 13 katao.

Kaagad naman rumes­ponde ang rescue team sa tulong ng mga residente sa nabanggit na barangay at isinugod sa ospital ang mga sugatang biktima.

Show comments