Mag-ama nalason sa gulaman, dedo

MANILA, Philippines - Kamatayan ang su­ma­lubong sa mag-ama maka­raang malason sa kinaing damong-dagat o gulaman habang nasa kritikal na­man na kalagayan ang mag-utol kamakalawa sa bayan ng Bolinao, Panga­sinan.

Idineklarang patay sa os­pital ang mag-amang sina Herman Honrada, 75; at Rey Honrada, 45, kapwa nakatira sa Barangay Patar sa nabanggit na bayan.

Habang inoobserbahan naman sa ospital ang mag-utol na sina Robert De Guz­­man at Sharon De Guz­man.

Sa police report na na­karating sa Camp Crame, magkakasamang nagha­punan ang mga biktima kung saan ang inulam ay n­ilutong damong-dagat.

Makalipas ang ilang mi­nuto ay nakaramdam ng pag­kahilo, pagsusuka at pa­nginginig ng katawan ang mga biktima kaya ma­bilis na isinugod sa ospital subalit patay na ang mag-ama.

“Matagal na silang ku­makain ng damong-dagat o gulaman pero ngayon lang may nalason,” pahayag ng barangay chairwoman na si Carolina Abad.

Kasalukuyang sinusuri ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang ilang uri ng damong-dagat na sina­sabing kinain ng mga biktima. Ricky Tulipat

Show comments