Mag-ama nalason sa gulaman, dedo
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa mag-ama makaraang malason sa kinaing damong-dagat o gulaman habang nasa kritikal naman na kalagayan ang mag-utol kamakalawa sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.
Idineklarang patay sa ospital ang mag-amang sina Herman Honrada, 75; at Rey Honrada, 45, kapwa nakatira sa Barangay Patar sa nabanggit na bayan.
Habang inoobserbahan naman sa ospital ang mag-utol na sina Robert De Guzman at Sharon De Guzman.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, magkakasamang naghapunan ang mga biktima kung saan ang inulam ay nilutong damong-dagat.
Makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at panginginig ng katawan ang mga biktima kaya mabilis na isinugod sa ospital subalit patay na ang mag-ama.
“Matagal na silang kumakain ng damong-dagat o gulaman pero ngayon lang may nalason,” pahayag ng barangay chairwoman na si Carolina Abad.
Kasalukuyang sinusuri ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang ilang uri ng damong-dagat na sinasabing kinain ng mga biktima. Ricky Tulipat
- Latest
- Trending