3 NPA nadakip sa checkpoint
Camp Vicente Lim, Laguna, Philippines — Nadakip ng pinagsanib na elemento ng Lumban Municipal Police Station, 1st Infantry Battalion, 202nd Brigade, 2nd ID ng Philippine Army at Laguna Provincial Police ang tatlong pinaghihinalaang opisyal ng New People’s Army sa isang checkpoint ng Commisssion on Elections sa national highway ng Lumban, Laguna kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Chief Superintendent Rolando Añonuevo, Region 4A police director, ang mga suspek na sina Ruelito Soriano Sr., 50-anyos, residente ng Bigaa, Cabuyao, Laguna; Mariano Julongbayan aka Ka Rommel/Tito Garcia/Reynaldo Mendoza, 52 - anyos, finance officer, at residente ng Barangay Coral Lopez, Calaca, Batangas; at Nolan Ramos aka Gerry Ramos/Gerald Pastolero/Ka Boning, 36 anyos, platoon leader ng komiteng pamprobinsiya ng NPA sa Laguna at residente ng Barangay San Antonio, Kalayaan, Laguna.
Ayon sa report na nakarating kay Añonuevo, ang tatlong rebelde ay sakay ng isang KIA Vesta Van (UGY-632) at binabagtas ang kahabaan ng Hi-way sa Barangay Lewin, Lumban nang parahin sila ng mga awtoridad bandang alas-5:20 ng hapon.
Napansin ng mga awtoridad ang kahina-hinalang galaw ng mga suspek na nagbunsod para silipin nila ang loob ng van at makita ang isang lalagyan na may electrical wires na nagsisilbing blasting caps para sa paggawa ng bomba.
Nang pababain sa sasakyan ang mga suspek, nakuha pa ng mga pulis ang isang tatlong-kilong anti-personnel explosive na may dalawang blasting caps; isang anim na kilong anti-personnel explosive na may apat na blasting caps at isang granada.
Nakarekober din ang mga otoridad ng isang itim na belt bag na naglalaman ng dalawang bundle ng tig-1,000 piso at personal na gamit. Arnel Ozaeta
- Latest
- Trending