3 magkakapatid natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid na batang lalaki ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan makaraang makulong ng apoy sa loob ng nasunog nilang tahanan sa Baynilad, Mandaue City, Cebu kamakalawa ng gabi.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng magkakapatid na biktimang kinilalang sina Mark, 6-anyos; Joey, 4 at Gideon, 2; pawang may apelyidong Punsa.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa Saint Martin Village, Baynilad dakong alas-9:25 ng gabi.
Isinugod naman sa pagamutan ang tatlo pang mga biktima matapos na magtamo ng mga paso sa kanilang mga katawan.
Napag-alaman na wala ang ina ng mga bata na si Aileen Punsa at iniwan lamang ang mga bata sa pangangalaga ng kanilang lola.
Gayunman, iniwan ng matanda ang mga apo matapos ang mga itong makatulog dahil may binili ito sa tindahan nang mangyari ang sunog.
Pinaniniwalaan namang ang natumbang gasera ang pinagmulan ng sunog dahil naputulan ng kuryente ang pamilya.
- Latest
- Trending