CAMARINES NORTE, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganin ang tatlong opisyal ng pulisya sa Kabikulan makaraang lumabas sa video footage sa telebisyon ang sinasabing police brutality na kinasasangkutan ng pulisya kaugnay sa ginawang pambubugbog sa isang suspek na may mga kasong nakabinbin sa korte.
Batay sa footage, kinilala ng saksi ang mga sangkot na opisyal ng pulisya na sina P/Senior Supt. Emmanuel Talento, police provincial Director; P/Supt. Enrico Amor at ang dating hepe ng pulisya sa bayan ng Daet na si P/Supt. Enriquez Ramos.
Napag-alamang pinaamin ang suspek sa holdap na si Fernando Buag kaya pinagtulungang gulpihin ng tatlong opisyal sa loob ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Daet.
Kahapon ng umaga, agad na nagpatawag ng press conference si Talento sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr. upang pabulaanan ang tinutukoy ng saksi sa video footage sa programang XXX sa ABS-CBN Channel 2.
Ayon sa abogado ni Talento na si Atty. Fernando Dialogo, wala silang balak na magsampa ng kaukulang kaso laban sa nabanggit na istasyon ng telebisyon dahil sa hindi naman sina Talento, Amor at Ramos ang nasa video footage kung saan may kalabuan ang kuha sa cell phone.
Tahasang sinabi ni Talento na maaaring si Mayor Tito Sarion ang nagpakana ng pagpapalabas ng video footage dahil sa kanyang ipinahayag sa ilang himpilan ng radyo na may puputok na balita.
Natawa lamang si Mayor Sarion kung saan pinasinungalingan ang akusasyon ni Talento.
Nakatakda namang imbestigahan ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan na naganap na insidente. Francis Elevado