IBA, Zambales , Philippines — Iligal at may bahid pulitika ang biglaang pagtatalaga ng bagong police director ng Zambales na hinirang nang walang konsultasyon sa mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Ito ang sinabi ni Zambales Governor Amor Deloso kaugnay ng turn-over ceremony para sa bagong talagang hepe ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO) noong Sabado, Enero 9 sa Camp Conrado Yap sa bayan ng Iba.
“Ganito na ba, without protocol to the local government, basta na lang magtatalaga ng bagong hepe ng kapulisan sa aming lalawigan nang wala man lamang konsultasyon sa gobernador?” wika ni Deloso.
Napag-alamang tinawagan ng tauhan ni dating Zambales Police Provincial Office (ZPPO) director P/Senior Supt Rolando Felix si Deloso para saksihan ang turn-over ceremony ng liderato ng kapulisan nang araw ding iyon, bagay na ikinabigla ng gobernador.
Si Santiago ay manunungkulan bilang officer-in-charge ng ZPPO hanggang matapos ang Mayo 2010 eleksyon, kapalit ni Felix na itinaas ng ranggo.
Malinaw na may bahid-pulitika ang pagkakatalaga kay P/Senior Supt. Rafael Santiago dahil inirekomenda ito ng dating mataas na opisyal ng PNP at kandidato ngayon sa pagka-gobernador ng Zambales.
Ayon pa sa opisyal, si Santiago ay wala sa listahan ng mga rekomendado na maaaring pagkatiwalaan para maging katuwang sa katahimikan at kapayapaan ng Zambales.
“This is a violation of local government code and it is a preliminary to harassment. I would do mass action, a people power if ever. I am still the governor and have the right to defend whoever human animal working with me for the good of this province,” dagdag pa ni Deloso. Randy Datu at Alex Galang