CAMARINES NORTE, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa puwesto ang bagong talagang hepe ng pulisya sa bayan ng Daet makaraang bastusin at palayasin sa presinto ang dalawang reporter na tumutupad ng kanilang trabaho kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang sinasabing bastos at walang galang sa mga mamamahayag na bagong hepe ng pulisya na si P/Supt. Mario Laylo Barbacena na dating deputy provincial director ni P/Senior Supt. Emmanuel Talento.
Napag-alaman din sa ulat na si Barbacena ay inirekomenda ni Talento bilang bagong hepe ng pulisya kapalit ni P/Supt. Domingo Mendaza na kauupo pa lamang noong Disyembre 10, 2009.
Nabatid din sa ulat na ikinagulat ni Daet Mayor Tito Sarion ang biglaang pag papalit ng hepe ng pulisya ni Talento kung saan walang kaukulang kordinasyon sa opisyal ng lokal na pamahalaan
Kasunod nito, nabastusan naman ang dalawang reporter na sina Nardz Hernandez ng PBN dzMD at ang sumulat na ito sa ginawa ni Barbacena na tumangging magpa-interview para kunin ang kanyang panig at kasabay nito na itinaboy sila palabas ng himpilan ng pulisya na animo’y hayop.
Nakatakdang magsampa ng kaso sa Napolcom si Mayor Sarion sa ginawa ni Talento kung saan sa kabila na may direktiba na ang PNP regional office na ibalik sa puwesto si Mendaza bago sumapit ang alas-12 ng hatinggabi bago ang election ban.
Naniniwala si Sarion na may bahid pulitika ang big laang pagpapalit ng hepe ang pulisya. Francis Elevado