Cathedral sa Jolo binomba
CAMP S.K. PENDATUN, Maguindanao, Philippines — Niyanig ng malakas na pagsabog ang loob ng Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa bayan ng Jolo sa Sulu kung saan lumikha ng matinding takot sa mga deboto at itinigil ng pari ang umagang misa kahapon.
Kasalukuyang tugis ng mga awtoridad ang dalawang kalalakihan na sinasabing naghagis ng granada sa loob ng nabanggit na cathedral.
Lumilitaw na magdaraos sana ng misa si Oblate Missionary Jose Ante na magsisimula bandang alas-6 ng umaga subalit pansamantalang kinansela dahil sa naganap na pambobomba bandang alas-5 ng umaga.
“Buti na lang wala pang mga tao kaya walang mga nasaktan, God is still protecting us,” pahayag ni Ante.
Ayon sa ulat, sumabog ang granada malapit sa magkatabing libingan nina Sulu’s former Bishop Benjamin De Jesus at ang kauna-unahang American Catholic Vicar na si David McSorley kung saan ilang metro lamang ang layo mula sa altar.
Magugunita na si ex-Bishop De Jesus ay pinagbabaril ng dalawang gunmen malapit din sa nabanggit na cathedral kung saan ang isa sa mga suspek ay sinasabing kaanak ng dating alkalde ng lalawigan.
Nawasak ang mga jalousies ng bintana ng nabanggit na cathedral dahil sa matinding pagsabog ng granada, ayon kay Ante.
Kinondena naman ni ARMM acting Governor Ansarudin Adiong ang naganap na pagsabog na itinuring niyang satanic act.
Itinuturing na pinakamatandang simbahan ang Mt. Carmel Cathedral na nasa sentro ng bayan ng Jolo na sinasabing ilang ulit na binomba sa loob ng dalawang dekada.
Sinisisi naman ng ARMM PNP ang grupo ng religious extremists na nasa likod ng pag-atake sa worship site.
- Latest
- Trending