Pamilya, 3 sugatan sa mga holdaper
MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng pamilya ang iniulat na nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga armadong holdaper sa bahagi ng Barangay Crossing Magallon sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental kamakalawa ng gabi. Sa ulat ni P/Senior Inspector Gil Flores, lumilitaw na pauwi at lulan ng traysikel ang mag-asawang sina Ronilo at Rochel Gumayan, at mga anak na sina Junelo, 18; Jefferson, 20; John Rey, 16; at ang nobya ni Junelo na si Cherry Dalmacio, 18, nang harangin ng mga armadong kalalakihan.
Nagawa namang makatalon mula sa traysikel si Jefferson matapos harangin ng mga suspek kung saan ay nagtago ito sa tubuhan. Napag-alamang nagkaroon nang komosyon at nanlaban si Junelo kaya pinagbabaril ng mga suspek kung saan nadamay din ang nobya nito na sinasabing isinugod sa Isabela District Hospital.
Natangay ang ‘di-nabatid na halaga, alahas, cell phone ng mga biktima. Joy Cantos
- Latest
- Trending