MANILA, Philippines - Apat-katao ang kumpirmadong nasawi, lima ang nasugatan habang aabot naman sa 17 bahay ang sinunog sa naganap na digmaan ng magkalabang angkan sa pagitan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at ng grupo ng konsehal sa bayan ng Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa.
Ayon sa Army’s regional spokesman na si Major Randolph Cabangbang, kabilang sa mga nasawi ay mga tauhan ni Commander Basco ng MILF 105th Base Command.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sumiklab ang madugong bakbakan matapos nagpangabot ang magkalabang angkan ni Basco at ni Tamano Mamalapat sa bahagi ng Sitio Bulatukan, Brgy. Kitapok.
Samantala, nasa 17 kabahayan naman ang nasunog sa nasabing insidente ng clan war.
Nabatid pa na ang grupo ng konsehal ang sumalakay sa angkan ni Commander Basco kung saan simula pa noong 2003 ay mainit na ang rido ng mga ito.
Binigyang diin pa ng opisyal na hindi hahayaan ng tropa ng pamahalaan na makaapekto sa peace talks sa pagitan ng ilang lider ng MILF rebs at ng mga kalaban angkan sa Maguindanao.