BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Dalawampu katao ang nasugatan nang sumadsad ang kanilang sinasakyang jeepney nang mahagip nito ang isang delivery van kamakalawa ng gabi sa San Mariano, Isabela.
Ayon sa ulat, naganap ang nasabing aksidente dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Daramuangan, San Mariano.
Napag-alaman na sumadsad sa gilid ng kalsada ang pampasaherong jeep na may plakang AYA 373 nang tangkain nitong lampasan at mahagip ang isang delivery van na puno ng mga poultry products.
Ayon kay Chief Superintendent Roberto Damian, Cagayan Valley police regional director, ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Christian Puguon, 20; at delivery van na minamaneho naman ni Renanto Andres, 26, ay kapwa patungo sa Santiago City-Isabela nang maganap ang insidente.
Ang mga biktima na sakay ng nasabing jeep ay mapalad na nakaligtas sa aksidente maliban lamang sa mga pasa at pinsala na natamo sa katawan. Victor Martin