MARILAO, Bulacan, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 71-anyos na lola makaraang patayin ito ng mga hinihinalang miyembro ng akyat bahay gang at tangayin pa ang mga mahahalaga nitong ari-arian sa kanyang bahay sa Barangay Poblacion ll sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Carmelita Maula, biyuda at residente ng Constantino Subdivision, Brgy. Poblacion ll.
Nakagapos pa ang kanyang mga kamay sa likod ng isang mahabang alambre, may busal ng basahan ang kanyang bibig at hinihinalang sinakal ito hanggang sa mamatay nang matagpuan ito.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-8:00 ng umaga dumating sa himpilan ng pulisya ang anak ng biktima na si Gerardo, 40, upang iulat na natagpuan niya ang kanyang ina na nasa loob ng kanyang kuwarto na wala nang buhay at magulo ang mga kagamitan partikular ang aparador na pinaniniwalaang nakatago ang mga pera at alahas ng biktima.
Natagpuan ng pulisya sa likurang bahagi ng bahay ng biktima ang isang hagdanan na pinaniniwalaang ginamit upang makapasok ang mga suspek sa loob ng bahay nito.
Ayon pa sa ulat, posibleng natunugan ng mga salarin na nag-iisa lamang ang biktima sa kanyang bahay.
Kasalukuyan pang inaalam kung magkano ang halagang natangay sa biktima at posibleng pagkakakilanlan ng salarin na hinihinalang mga miyembro ng akyat-bahay gang. Boy Cruz