BATAAN, Philippines — Aabot sa P3 milyong cash at ari-arian ang nalimas sa isang jewelry pawnshop makaraang pasukin ng mga miyembro ng Acetylene Gang kamakalawa ng gabi sa Barangay General Luna, Dinalupihan, Bataan. Bandang alas-8 ng umaga nang madiskubre ng katiwalang si Jerry Sebastian ang nakawan sa Lubao Pawnshop na pag-aari ni Ryan Diwa ng San Roque Arbo sa bayan ng Lubao. Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Salvador Penaflor, dumaan sa kanal ang mga kawatan saka binutas ang flooring ng pawnshop. Maging ang alarm system ng pawnshop ay winasak para makuha ang mga alahas at iba pang gamit Narekober ng pulisya ang bolt cutter, 2 guwantes, 2 flashlight, screw driver, super kalan, 3 container ng mineral water, bonnet, at iba pang gamit. Jonie Capalaran