MANILA, Philippines - Palaisipan sa mga imbestigador ng pulisya ang napaulat na pagransak sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa kapitolyo ng Shariff Aguak, Maguindanao kung saan nawawala ang mahahalagang dokumento at iba pang kagamitan.
Sinasabing ang insidente ay naganap noong holidays kung saan nakabakasyon ang mga opisyal at noong Lunes lamang nadiskubre ang nakawan.
Sa salaysay ng bisor ng Comelec-Maguindanao na si Estelita Orbase, sinabi nito na nagawang wasakin ang jalousy ng bintana kung saan dito dumaan ang mga kawatan.
Sa pahayag naman ni P/Senior Supt. Alex Lineses, na hindi pa nagre-report ang Comelec sa kanilang tanggapan hinggil sa nasabing nakawan.
Bukod dito, ayon pa sa opisyal ay bantay-sarado ng mga naka-deploy na sundalo at ng mga pulis ang opisina ng Comelec kaya imposibleng makalusot ang mga magnanakaw.
Nasa ilalim pa rin ng state of emergency ang Maguindanao dahil sa pagmasaker sa 57-katao kabilang ang 32 media men noong Nobyembre 23. Joy Cantos