CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Dalawang armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng hijacking syndicate ang iniulat na napatay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at pulis-Quezon sa naganap na shootout sa bayan ng Tiaong, Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Superintendent Rommel Cardiño, deputy chief ng CIDG Region 4A, ang mga napatay base sa nakuhang identification cards na sina Christopher Rete at Salve Abundo.
Napag-alamang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa naganap na hijacking na kinasasangkutan ng apat na armadong kalalakihan sa isang 10-wheeler truck (WBX-799) na kargado ng asukal kaya naglatag ng checkpoint.
Makalipas ang dalawang oras, naispatan ng mga tauhan ni Cardino ang truck na pag-aari ng Muralla Trucking Corporation sa may diversion road na patungong Lucena City.
Nang tangkaing pahintuin ng mga pulis ang truck, pinaputukan pa sila saka pinaharurot patungong Maharlika Highway.
Sumunod ang ilang minutong running gun battle hanggang sa mapatay ang dalawa at makatakas naman ang dalawang iba pa.
Nakaligtas naman ang driver ng truck na si Gil Serato at ang kanyang pahinante na si Joel Manuel na kapwa iginapos sa loob ng truck.
Samantala, nagsasagawa pa rin ng hot pursuit operation laban sa dalawang nakatakas na hijacker.